Nakapagtala ng panibagong malaking tagumpay ang Philippine National Police (PNP), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang partner units, matapos makumpiska ang mahigit P61 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga sa magkakahiwalay na operasyon sa Quezon, Negros Oriental, Bacolod City, at Zamboanga City noong Mayo 16, 2026.
Sa bayan ng Patnanungan, Quezon, rumesponde ang mga pulis sa ulat ng isang mangingisda hinggil sa pagkakadiskubre ng limang tape-sealed plastic bags na naglalaman ng tinatayang 6.5 kilo ng hinihinalang cocaine na may kabuuang halagang mahigit P34.5 milyon. Ayon sa mga awtoridad, pinaniniwalaang ilang buwan nang inanod sa baybayin ang mga kontrabando bago natagpuan sa coastal area.
Samantala, isang high-value individual ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Zamboanguita, Negros Oriental. Nagresulta ito sa pagkakasamsam ng mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng halos P7 milyon.
Sa Bacolod City naman, tatlong indibidwal ang nadakip matapos makumpiska ng mga operatiba ang humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Habang sa Zamboanga City, nasamsam din ng mga joint operatives ang tinatayang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na may halagang P13.6 milyon mula sa isang suspek sa isinagawang coordinated anti-illegal drug operation.
Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatibang nagsagawa ng mga operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon at pakikipagtulungan ng publiko sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Ayon kay PGen Nartatez, malaking tulong ang agarang pagbibigay ng impormasyon ng mamamayan upang mabilis na maaksyunan ng mga awtoridad at mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Dagdag pa niya, nananatiling nakatuon ang mga operasyon ng PNP sa pagprotekta sa mga pamayanan habang sinisiguro na ang lahat ng police operations ay naaayon sa batas at tamang proseso.
Bahagi ang mga operasyong ito ng pinaigting na implementasyon ng PNP Focused Agenda sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations na layuning palakasin ang intelligence-driven at community-supported law enforcement efforts alinsunod sa direktiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Tiniyak naman ng PNP sa publiko na sasailalim sa tamang pagsusuri at dokumentasyon ang lahat ng nakuhang ebidensya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.
Ayon sa PNP, patunay ang mga operasyong ito sa patuloy na pagtupad ng organisasyon sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman” sa pamamagitan ng responsable at makataong pagpapatupad ng batas para sa kaligtasan ng mamamayan.

















