Nilinaw ng Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO) sa ilalim ng Office of the Chief Minister na ang kapangyarihan ng Bangsamoro Chief Minister na magtalaga at mag-alis ng mga miyembro ng gabinete ay nakabatay sa umiiral na batas at prinsipyo ng pamamahala at pananagutan sa publiko.

Sa inilabas na posisyon nitong Lunes, Mayo 18, iginiit ng BAGO na ang kapangyarihan ng Chief Minister sa pagtatalaga ng mga ministro ay kaakibat din ng kapangyarihang alisin sila sa puwesto, maliban na lamang kung ito ay malinaw na nililimitahan ng batas. Ayon sa ahensya, walang nakasaad sa Bangsamoro Organic Law na nagtatakda ng fixed term para sa mga ministro o nagbabawal sa kanilang pagtanggal.

Binigyang-diin din sa pahayag na ang usapin ay hindi nakasentro sa personalidad ng mga opisyal kundi sa pagpapatatag ng integridad at pananagutan sa serbisyo publiko, kasabay ng pagprotekta sa tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Ipinaliwanag pa ng BAGO na ang Bangsamoro Government ay isang institusyong politikal at legal na itinatag sa ilalim ng batas ng Pilipinas, at ang kapangyarihang ehekutibo ng Chief Minister ay nakaugat sa legal na mandato, hindi sa internal na kasunduan lamang sa loob ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Tungkol naman sa isyu ng Commission on Audit (COA), sinabi ng opisina na ang usapin ay hindi na lamang nasa antas ng preliminary findings dahil nakapaglabas na rin ng Notice of Disallowance. Gayunman, nilinaw na hindi pa ito pinal at maaari pang dumaan sa due process at mga legal na remedyo.

Sa kabila nito, iginiit ng BAGO na hindi maaaring isantabi ng pamahalaan ang posibleng epekto ng naturang audit findings sa kredibilidad at tiwala ng publiko sa Bangsamoro Government.

Ayon pa sa pahayag, ang mga posisyon sa gabinete ay mga politikal at sensitibong tungkulin na nangangailangan ng ganap na tiwala ng Chief Minister upang matiyak ang maayos at epektibong pamamahala.