Binaril at napatay ang isang media personality habang hindi naman nasugatan ang kanyang misis sa pamamaril sa Sitio Proper 1, malapit sa Barangay Hall ng Fort Pikit, Malidegao, Special Geographic Area SGA, BARMM, bandang 6:45 kagabi May 21, 2026.

Kinilala ang biktima na si Nestor M. Micator, 56-anyos, may asawa, habang ligtas ang kanyang misis na si Ruvy, 51-anyos, kapwa residente ng Barangay Fort Pikit, Malidegao.

Ayon sa paunang imbestigasyon, sakay ng kanilang motorsiklo ang mag-asawa matapos bumili ng pagkain sa Poblacion, Pikit, Cotabato nang harangin at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay rin ng motorsiklo, humigit-kumulang 50 metro mula sa kanilang bahay.

Tinamaan sa ulo ang biktima na agad na isinugod ng mga residente sa Cruzado Medical Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Ebenezer Demitillo.

Sa crime scene, narekober ng mga imbestigador ang isang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na pistola.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa insidente at ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na agad ding pinaghahanap sa isinagawang hot pursuit operation ng Philippine National Police – Malidegao Municipal Police Station katuwang ang 1405th Maneuver Force Company ng RMFB 14-A.