Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makumpiskahan ng mahigit P1 milyong halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 2, Barangay Eastern, Wao, Lanao del Sur noong Mayo 24, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng SOU 15, PNP DEG SOU BAR katuwang ang Wao Municipal Police Station, 3rd Platoon 1st PMFC LSPPO, PDEU/PSOG LSPPO, at PDEA BAR.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang nakataling plastic cellophane na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 150 gramo at street drug price na umaabot sa P1,020,000. Narekober din ang isang tunay na P1,000 bill na nakapatong sa 249 piraso ng photocopied na tig-P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.

Isinagawa ang pagmamarka, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng suspek, isang opisyal ng barangay, at kinatawan ng media bilang mga saksi.

Dinala muna ang suspek sa Wao District Hospital para sa medical examination bago isinailalim sa dokumentasyon at pansamantalang detensyon sa Wao MPS. Samantala, ang mga nakumpiskang droga at iba pang ebidensya ay ipinasa sa PNP DEG SOU 15 para sa wastong dokumentasyon at disposisyon, at isusumite sa Regional Forensic Unit sa Cotabato City para sa laboratory examination.

Inihahanda na rin ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa naarestong suspek.

Pinuri naman ni PBGEN Christopher M. Abecia ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling tiniyak ang patuloy na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga.

Ayon kay Abecia, “Ang matagumpay na operasyong ito ay sumasalamin sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga at sa matibay na koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement units. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan sa buong Bangsamoro Region.”