Dumating kahapon, May 31, 2026, sa kaniyang tahanan sa Barangay Colonia, Lamitan City ang labi ng Army trainee na si Junel Flores kung saan sinalubong ito ng kaniyang naulilang pamilya, mga kaanak, kaibigan, at mga lokal na opisyal sa gitna ng matinding pagluluksa.

Personal na ineskort ng Commanding Officer ng 18th Infantry Battalion na si Lt. Col. Francis Tupas ang mga labi ni Flores mula sa pagdating nito upang matiyak ang maayos na pagbibigay ng military honors at kaukulang suporta sa naiwang pamilya.

Magugunitang napaulat na nag-collapse umano si Flores noong May 26 habang sumasailalim sa military training at agad na isinugod sa ospital para malapatan ng lunas, subalit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Sa panig ng pamilya, sinabi ng ina ng biktima na si Victorina Flores na hirap umano silang tanggapin ang sinapit ng kaniyang anak na matagal nang nangangarap maging sundalo at makapaglingkod sa bayan.

Ibinahagi rin ng pamilya na napansin umano nila ang ilang pasa at marka sa katawan ng trainee, kabilang sa bahagi ng ulo, dahilan upang humiling sila ng masusing imbestigasyon at malinaw na paliwanag hinggil sa tunay na sanhi at mga pangyayari na nagresulta sa pagkamatay ni Flores.