Idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Ayon sa pahayag ng ahensya kahapon, June 4, ang paminsan-minsan hanggang madalas na pag-ulan na naranasan sa nakalipas na limang araw dahil sa Habagat ay nagsilbing batayan sa pagdedeklara ng pagsisimula ng rainy season sa mga nasabing lugar.

Gayunman, nilinaw ng PAGASA na maaari pa ring magkaroon ng tinatawag na monsoon breaks o pansamantalang paghina ng pag-ulan na maaaring tumagal ng ilang araw hanggang ilang linggo.

Inaasahan din ng ahensya ang mas pinaigting na epekto ng Habagat sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na buwan dahil sa nakaambang El Niño phenomenon.

Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling alerto at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat laban sa mga posibleng epekto ng tag-ulan, Habagat, at iba pang weather disturbances.