Idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.

Sa inilabas na pahayag ng ahensya nitong Hunyo 4, sinabi nitong nakapagtala ng paminsan-minsan hanggang sa madalas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat sa nakalipas na limang araw, na nagsilbing hudyat ng pagsisimula ng rainy season sa mga nasabing lugar.

Gayunman, nilinaw ng PAGASA na maaari pa ring magkaroon ng tinatawag na monsoon breaks o pansamantalang paghina ng pag-ulan na maaaring tumagal ng ilang araw hanggang ilang linggo.

Inaasahan din ng ahensya ang mas pinaigting na epekto ng Habagat sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa mga susunod na buwan dahil sa nakaambang El Niño phenomenon.

Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling alerto at magsagawa ng mga kinakailangang pag-iingat laban sa mga posibleng epekto ng tag-ulan, Habagat, at iba pang weather disturbances.