Ligtas na naisalba ng Philippine Coast Guard – Eastern Sulu ang 63 pasahero at tripulante ng motorized banca na M/B Queen Shaima-5 matapos itong magkaaberya sa makina habang naglalayag mula Zamboanga City patungong Luuk, Sulu kagabi June 8, 2026.
Ayon kay Commodore Rejard Marfe, Commander ng Philippine Coast Guard Southwestern Mindanao District, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa kalagayan ng nasabing bangka kagabi, kung saan napaulat na nagkaroon ng pag-aalala ang ilang pasahero dahil sa malalaking alon habang nasa gitna ng biyahe.
Agad namang inatasan ang Coast Guard Eastern Sulu Search and Rescue team na rumesponde sa insidente upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay.
Bandang alas-7:55 ng gabi nang matagpuan ng rescue team ang bangka, kung saan napag-alaman din na may mga dumaraang bangka na tumulong habang hinihintay ang pagdating ng PCG.
Sinuri ng rescue personnel ang kalagayan ng mga pasahero at tripulante at lumabas na nasa maayos naman ang kanilang kondisyon.

















