Nagdulot ng pinsala sa isang kabahayan ang pagyanig ng lindol sa Barangay Magaslong, Datu Piang, Maguindanao del Sur kahapon, June 8.

Ayon sa ulat, bandang alas-9:20 ng umaga nang tumama ang pagyanig sa lugar na naging dahilan ng pagkasira sa bahagi ng bahay ng pamilya Kalukamba.

Ang biktima ay kinilalang si Malik, 31 anyos, may asawa at isang karpintero, residente ng nasabing barangay.

Kasama niya sa bahay ang kanyang asawa na si Mhaira, 35 anyos, at kanilang tatlong anak na may edad 9, 7, at 3 buwan.

Batay sa paunang assessment, nagkaroon ng structural damage sa ilang bahagi ng bahay na nagresulta sa pagiging delikado nito para sa paninirahan.

Agad namang inilikas ang pamilya at dinala sa Barangay Magaslong Health Clinic para sa medical assessment at obserbasyon. Wala namang naiulat na malubhang pinsala sa sinuman sa kanila.

Bandang 12:55 ng hapon nang rumesponde ang mga kinauukulang personnel at agad na nakipag-ugnayan sa MDRRMO at mga opisyal ng barangay para sa agarang pagtugon sa sitwasyon.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang kondisyon ng lugar kasunod ng insidente.