Nadakip sa isang entrapment operation ang isang 51-anyos na lalaki matapos umanong mahuling nagbebenta ng hindi lisensyadong M16 rifle sa Brgy. Cannery Site, Polomolok nitong Hunyo 9, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas “Alvin,” residente ng nasabing barangay. Ayon sa Police Regional Office 12, isinagawa ang operasyon ng Polomolok Municipal Police Station katuwang ang South Cotabato Police Intelligence Unit at 1st Company ng South Cotabato Provincial Mobile Force Company.

Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos umanong mahuling aktong nagbebenta at nagtataglay ng hindi lisensyadong armas at nabigong makapagpakita ng kaukulang dokumento.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang Colt M16 rifle, dalawang M16 magazines, at isang itim na backpack.

Dinala na ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Polomolok Municipal Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Samantala, pinuri ng PRO 12 leadership ang matagumpay na operasyon laban sa ilegal na armas, kasabay ng paalala na patuloy ang kanilang kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang krimen sa rehiyon.