Nagbitiw na bilang miyembro ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao.
Sa isang liham na ipinadala sa pamunuan ng partido, inihayag ni Matabalao ang kanyang pormal na pagbibitiw at nagpahayag ng pasasalamat sa UBJP sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya noong tumakbo siya bilang alkalde ng Cotabato City noong 2022.
Ayon kay Matabalao, hindi naging madali ang kanyang naging desisyon at dumaan ito sa mahabang panahon ng pagninilay, panalangin, at paghingi ng gabay upang matiyak na ang kanyang hakbang ay makabubuti para sa Cotabato City, Bangsamoro, at sa mamamayang kanyang pinaglilingkuran.
Binigyang-diin ng alkalde na mananatili ang kanyang paggalang at pasasalamat sa partido sa kabila ng kanyang pag-alis bilang miyembro nito. Aniya, hindi mabubura ng kanyang pagbibitiw ang tiwalang ipinakita sa kanya ng mga lider at kasapi ng UBJP na naging bahagi ng kanyang paglalakbay sa serbisyo publiko.
Pinasalamatan din ni Matabalao ang mga opisyal, miyembro, at tagasuporta ng partido sa patuloy na suporta at pagkakataong maging bahagi ng kilusang nagsusulong ng adhikain ng mamamayang Bangsamoro.
Sa pagtatapos ng kanyang liham, ipinahayag ng alkalde ang kanyang panalangin para sa patuloy na tagumpay at paglago ng UBJP, kasabay ng pag-asa na magpapatuloy itong makapaghubog ng mga lider at lingkod-bayan para sa Bangsamoro.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng UBJP kaugnay sa pagbibitiw ni Mayor Matabalao.

















