Niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang karagatang bahagi sa timog-silangang bahagi ng Governor Generoso, Davao Oriental alas-5:18 ng hapon nitong June 15.

Batay sa datos ng PHIVOLCS, naitala ang sentro ng pagyanig sa layong 164 kilometro timog-silangan ng Governor Generoso, Davao Oriental, na may lalim na 86 kilometro.

Naramdaman ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Umabot sa Instrumental Intensity III ang naitala sa General Santos City, habang Instrumental Intensity II naman sa Digos City sa Davao del Sur, Malungon sa Sarangani, at Koronadal City at Tupi sa South Cotabato.

Samantala, Instrumental Intensity I ang naitala sa mga bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur, Sta. Maria sa Davao Occidental, Nabunturan sa Davao de Oro, gayundin sa Kiamba, Malapatan at Maasim sa Sarangani, at T’boli sa South Cotabato.

Sa ngayon, wala pang naitatalang malaking pinsala o nasawi kaugnay ng naturang lindol. Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga posibleng aftershocks.