Nagsagawa ng isang mahalagang pagpupulong ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) Ranaw Executive Council at ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) Lanao del Sur Chapter noong June 17, bilang paghahanda sa nalalapit na kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kandidato ng UBJP para sa iba’t ibang distrito ng Lanao del Sur, mga kinatawan ng sectoral groups, at ilang nominado ng partido. Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang koordinasyon at palakasin ang kahandaan ng hanay ng partido sa paparating na halalan.

Kabilang sa mga dumalo si dating Minister ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) at kasalukuyang UBJP Vice President for Central Mindanao, Mohagher Iqbal, na nagbigay ng mga mensahe hinggil sa kahalagahan ng pagkakaisa, disiplina, at paghahanda sa eleksyon.

Idinaos ang aktibidad sa bayan ng Bacolod-Kalawi, Lanao del Sur, kung saan mainit na tinanggap ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Abdulmohaimen L. Dipatuan ang mga delegado at kalahok sa pagpupulong.

Ayon sa mga organizer, ang nasabing pagtitipon ay itinuturing na mahalagang hakbang upang higit pang pagtibayin ang ugnayan ng mga lider at tagasuporta ng UBJP sa Lanao del Sur, habang patuloy na pinaghahandaan ang unang parliamentary elections sa rehiyon.