Muling pinagtibay ng militar at mga katuwang nitong ahensya ang kanilang pangako sa pagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro matapos ang isinagawang ceremonial destruction ng daan-daang isinukong armas sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del kahapon, June 19.

Pinangunahan ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, katuwang ang United Nations Development Programme o UNDP sa ilalim ng Assistance for Security, Peace, Integration and Recovery for Advancing Human Security in the Bangsamoro o ASPIRE Project, ang pagsira sa mga piling armas mula sa kabuuang 685 Small Arms and Light Weapons o SALWs na boluntaryong isinuko ng mga komunidad sa Maguindanao del Norte.
Layunin ng programa na mabawasan ang paglaganap ng mga loose firearms, mapigilan ang armadong karahasan, at higit pang mapatatag ang kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Region.

Ayon sa mga opisyal, mahalagang bahagi ng ASPIRE Project ang paghikayat sa boluntaryong pagsuko ng mga armas anuman ang kinabibilangang grupo, kasabay ng pagbibigay ng suporta sa mga komunidad na naapektuhan ng sigalot. Inaasahan din nitong mabawasan ang mga karahasang kaugnay ng rido, alitang pulitikal, sigalot sa lupa, at iba pang suliraning nagdudulot ng kaguluhan sa mga pamayanan.
Pinangunahan ni Major General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang seremonya na dinaluhan ng mga lokal na opisyal, kinatawan ng mga peacebuilding institutions, law enforcement agencies, at development partners.
Binigyang-diin ni Cagara na ang pagsira sa mga isinukong armas ay hindi lamang pagwasak sa mga kagamitang pandigma kundi simbolo rin ng pagtitiwala at pagkakaisa ng mamamayan sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan.

Dagdag pa ng opisyal, bawat armas na isinuko at winasak ay katumbas ng isang posibleng karahasang naiwasan at isang komunidad na nabigyan ng mas malaking pagkakataong umunlad.
Nanawagan din ang militar sa mga indibidwal na may hawak pa ring mga loose firearms na makipagtulungan sa pamahalaan at samantalahin ang mga programang naglalayong gawing mas ligtas, mapayapa, at maunlad ang Bangsamoro para sa susunod na henerasyon.


















