Nagpaalala ang Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa publiko, lalo na sa mga mag-aaral, magulang, at mga paaralan, hinggil sa mahahalagang hakbang upang maiwasan ang bullying at mapanatili ang ligtas na kapaligiran sa mga paaralan at komunidad.
Ayon sa PRO-BAR, mahalagang agad na iulat sa mga magulang, guro, o kinauukulang awtoridad ang anumang insidente ng pambubully. Hinikayat din nito ang publiko na maging mabuting halimbawa, igalang ang damdamin at karapatan ng kapwa, magsalita nang may respeto, at magbigay ng suporta sa mga biktima ng bullying.
Kasabay nito, pinayuhan ng pulisya ang mga mamamayan na huwag manahimik kapag may nasasaksihang pambubully, at iwasan ang anumang uri ng pang-iinsulto, panlalait, pananakit, pagpapakalat ng tsismis, at pakikilahok sa mga gawaing maaaring makasakit sa iba, maging ito man ay pisikal o emosyonal.
Binigyang-diin ng PRO-BAR na ang respeto, malasakit, at responsableng pagkilos ay mahalagang sangkap upang mabuo ang isang ligtas, maayos, at positibong kapaligiran para sa mga kabataan.
Iginiit din ng ahensya na may mahalagang papel ang bawat isa sa pagpigil sa bullying at sa pagpapalakas ng proteksyon para sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagkakaisa at aktibong pakikilahok ng komunidad.

















