Mahaharap sa posibleng pagkakatanggal sa serbisyo at iba pang kaukulang kaso ang isang babaeng pulis na may-ari ng service firearm na ginamit sa pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City at tiyahin ng isa sa mga menor de edad na suspek.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, kasalukuyang nasa restrictive custody ang naturang pulis habang isinasailalim sa pre-charge investigation at summary dismissal proceedings.

Bukod sa mga administratibong kaso, sinabi ni Co na maaari ring managot ang policewoman kaugnay ng pagkawala ng kanyang service firearm at iba pang posibleng pananagutang may kaugnayan sa insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang 9mm Glock 19 pistol na narekober mula sa isang 14-anyos na suspek ay nakarehistro at naka-issue sa naturang pulis na nakatalaga sa Police Regional Office 8.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung paano napunta sa kamay ng menor de edad ang service firearm na kalauna’y ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.