Pormal nang idineklara ng 127th at 123rd Base Commands ng Moro Islamic Liberation Front o MILF bilang persona non grata ang Dawlah Islamiyah-Maute Group, ang Sub-Regional Committee 5 ng New People’s Army, at iba pang mga lawless elements sa kanilang mga nasasakupan sa Lanao del Norte.

Isinagawa ang magkahiwalay na deklarasyon sa himpilan ng 127th Base Command sa bayan ng Munai noong Mayo 23 at sa 123rd Base Command sa Tagoloan noong Hunyo 23.

Ayon sa mga opisyal, layunin ng hakbang na ipakita ang pagtutol ng mga komunidad laban sa terorismo, marahas na ekstremismo, at iba pang kriminal na aktibidad na nagbabanta sa seguridad at kapayapaan sa lalawigan.

Pinangunahan ang mga aktibidad sa pakikipagtulungan ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army, mga lider ng MILF, mga lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng peace mechanisms, at iba pang stakeholders.

Nagtapos ang mga programa sa paglagda sa resolusyon at isang Pledge of Commitment to Peace bilang simbolo ng kanilang sama-samang paninindigan na mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaayusan sa kanilang mga komunidad.

Dumalo rin sa mga seremonya ang mga lokal na opisyal, mga lider ng komunidad, mga kinatawan ng Philippine National Police, at iba pang peace stakeholders bilang pagpapakita ng suporta sa patuloy na pagpapatibay ng kapayapaan sa Lanao del Norte.

Ayon sa mga kinauukulan, inaasahang higit pang mapapalakas ng naturang deklarasyon ang pagtutulungan ng MILF, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan sa pagpigil sa pagpasok at operasyon ng mga armadong grupo at iba pang lawless elements sa lalawigan.