Nasabat ng Bureau of Customs (BOC), katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Internal Revenue (BIR), ang 11 container van na naglalaman ng mga iligal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P860 milyon sa isinagawang operasyon noong Hunyo 24, 2026 sa Cebu.

Batay sa paunang imbestigasyon, ginagamit umano ang mga domestic shipping route ng isang lokal na shipping line upang maipamahagi ang mga kontrabandong sigarilyo sa ibat ibang lugar.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence information ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakasabat ng dalawang container van na may kargang sigarilyo sa Mandaue City noong madaling-araw ng Hunyo 24. Mula sa impormasyong ibinigay ng mga driver, natunton ng mga operatiba ang isang container yard sa Barangay Bacayan, Cebu City, kung saan nadiskubre ang anim pang container van na naglalaman din ng mga sigarilyo.

Sa pagpapatuloy ng operasyon, ibinunyag ng mga kinatawan ng trucking company na mayroon pang tatlong container na hindi pa naibababa mula sa isang pribadong shipping facility sa Mandaue City. Nang beripikahin ito ng mga awtoridad, nakumpirmang naglalaman din ang mga naturang container ng mga sigarilyo, dahilan upang umabot sa 11 container van ang kabuuang nasabat.

Pinuri ni Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga operatiba at iginiit na hindi titigil ang ahensiya sa kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo.

Ayon kay Nepomuceno, patuloy nilang paiigtingin ang intelligence operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya upang matunton at mapanagot ang mga nasa likod ng smuggling na nakaaapekto sa lehitimong negosyo at nagdudulot ng malaking pagkawala ng kita ng pamahalaan.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Port of Cebu sa shipping line upang matukoy ang pinagmulan at galaw ng mga container. Isinasagawa rin ang masusing inventory at pinal na valuation upang matiyak ang eksaktong halaga ng mga nakumpiskang kontrabando.

Ang pagkakasabat sa Cebu ay kasunod ng naunang operasyon ng Bureau of Customs sa Maynila kung saan nasamsam din ang 23 container ng ilegal na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P1.7 bilyon. Dahil dito, umabot na sa humigit-kumulang P2.5 bilyon ang kabuuang halaga ng mga ilegal na sigarilyong nasabat ng pamahalaan ngayong linggo.

Binigyang-diin naman ni Port of Cebu District Collector Alexandra Yap-Lumontad na ipinakita ng matagumpay na operasyon ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon ng ibat ibang ahensiya sa paglaban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain.