Nagsagawa ng clearing operation ang City Transportation and Traffic Management Center o CTTMC, sa ilalim ng pamumuno ni Chief Moin Nul, laban sa mga iligal na vendor na nagtitinda sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, partikular sa paligid ng Cotabato Regional and Medical Center o CRMC, kahapon, June 29.
Layunin ng operasyon na mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko at matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga motorista, pedestrian, at mga pasyenteng nagtutungo sa ospital.
Ayon sa CTTMC, hindi layunin ng clearing operation na pigilan ang mga vendor sa kanilang paghahanapbuhay. Sa halip, hinihikayat silang magtinda lamang sa mga itinalagang lugar at umiwas sa pagsakop sa mga bangketa at kalsadang nakalaan para sa publiko.
Binigyang-diin din ng tanggapan na bahagi ng kanilang patuloy na kampanya ang pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na daloy ng trapiko sa lungsod para sa kapakinabangan ng lahat ng Cotabateño.

















