Ipinagpatuloy ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP ang serye ng Voters’ Education at General Assembly sa iba’t ibang lugar sa Special Geographic Area o SGA-BARMM bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na halalan.
Noong Linggo, Hunyo 28, isinagawa ang programa sa Camp Rajamuda, Ligawasan, sa pangunguna ni Bangsamoro Transition Authority Member of Parliament Akmad “Commander Jack” Abas, na siya ring Commander ng MILF Eastern Mindanao Front. Naging panauhing pandangal naman si MILF First Vice Chairman at UBJP Vice Chairman Member of Parliament Mohagher Iqbal.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga opisyal ng MILF at UBJP, mga party nominees, kinatawan ng iba’t ibang sektor, mga lokal na opisyal, gayundin ng mga miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at libu-libong tagasuporta ng MILF at UBJP.
Layunin ng programa na palawakin ang kaalaman ng mga mamamayang Bangsamoro tungkol sa kahalagahan ng kanilang boto at ang pagpapatupad ng parliamentary system sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa kanyang mensahe, muling iginiit ni MP Mohagher Iqbal na ang UBJP ang tanging opisyal na partidong pampulitika ng Moro Islamic Liberation Front. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa upang mapanatili at maprotektahan ang mga tagumpay na bunga ng matagal na pakikibaka ng mamamayang Bangsamoro.
Samantala, nagpasalamat naman si MP Akmad “Commander Jack” Abas sa lahat ng dumalo at nagpahayag ng suporta sa isinagawang voters’ education at general assembly.
Kasunod nito, isinagawa rin kahapon, Hunyo 29, ang kaparehong MILF-UBJP General Assembly at Voters’ Education sa bayan ng Malidegao, SGA-BARMM, na muling dinaluhan ni MP Akmad Abas bilang bahagi ng nagpapatuloy na information campaign ng partido sa iba’t ibang komunidad sa Bangsamoro.

















