Umabot sa 79 na loose firearms ang boluntaryong isinuko ng mga residente sa South Upi, Maguindanao del Sur sa isinagawang ceremonial turnover kahapon June 29.
Pinangunahan ng 57th Infantry “Masikap” Battalion ang aktibidad sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Aeron T. Gumabao, katuwang ang lokal na pamahalaan, Philippine National Police o PNP, Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU, at iba pang mga katuwang sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan.
Ayon sa 57IB, bunga ito ng patuloy na Information, Education and Communication Campaign o IEC kaugnay ng Small Arms and Light Weapons o SALW, na layong hikayatin ang mga residente na boluntaryong isuko ang mga hindi lisensyadong baril.
Sa pinakahuling bilang, umabot na sa kabuuang 170 loose firearms ang naisuko sa South Upi, na itinuturing na patunay ng lumalakas na tiwala ng komunidad sa mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaayusan.
Batay naman sa ulat na tinalakay sa Municipal Peace and Order Council, nananatiling walang naitatalang insidente ng karahasan at pamamaril sa South Upi, na iniuugnay ng mga awtoridad sa patuloy na pagtutulungan ng militar, pulisya, lokal na pamahalaan, at mga residente.
Iginiit ng 57th Infantry Battalion na ipagpapatuloy nito ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang mapanatili ang kapayapaan, mapaigting ang seguridad, at maisulong ang pangmatagalang kaunlaran sa bayan ng South Upi.

















