Dalawang natitirang miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG ang boluntaryong sumuko sa mga awtoridad sa Gingoog City, Misamis Oriental noong June 28.
Kasabay ng kanilang pagsuko ang boluntaryong pag-turnover ng kanilang mga baril bilang suporta sa patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya sa Northern Mindanao.
Ayon sa mga awtoridad, naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng koordinasyon ng iba’t ibang law enforcement at intelligence units na nagtutulungan sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng mga opisyal na ang pagsuko ng dalawang dating rebelde ay patunay ng patuloy na epektibong intelligence operations, matatag na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan, at lumalakas na suporta ng komunidad sa mga inisyatibang pangkapayapaan.
Samantala, muling nanawagan ang kapulisan sa mga natitirang miyembro ng CTG na talikuran ang armadong pakikibaka, sumuko sa pamahalaan, at samantalahin ang pagkakataong makapagsimula ng mapayapa at maayos na pamumuhay.

















