Arestado ang tatlong lalaki matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang P1.18 milyong halaga ng pinaniniwalaang ilegal na mineral ores sa isinagawang checkpoint operation sa Purok 5, Poblacion, Manticao, Misamis Oriental kahapon, July 4.

Pinangunahan ng Manticao Municipal Police Station ang operasyon katuwang ang Provincial Intelligence Unit at Task Force Kalikasan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagmimina sa lalawigan.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na Jomar, 33-anyos; Edie, 32-anyos; at Rey, 25-anyos. Nahuli umano ang mga ito habang nagbibiyahe ng mga hinihinalang kontrabandong mineral gamit ang isang dump truck.

Ayon sa mga awtoridad, hinarang sa checkpoint ang isang orange na HOWO dump truck na may kargang mahigit 700 sako ng hindi pa napoprosesong mineral ores na pinaniniwalaang iligal na nakuha.

Tinatayang nasa P1.183 milyon ang halaga ng mga nasabat na mineral ores, habang umaabot naman sa P1.8 milyon ang halaga ng nakumpiskang truck. Dahil dito, halos P3 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakuhang ebidensya sa operasyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Manticao Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila. Nakatakda namang isumite sa Mines and Geosciences Bureau Region 10 ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri at legal na proseso.

Samantala, muling nanawagan ang Philippine National Police sa publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang hinihinalang ilegal na pagmimina upang maprotektahan ang likas na yaman at kaligtasan ng komunidad.