Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging mas malinaw at mas maayos ang takbo ng impeachment proceedings kung personal na haharap si Vice President Sara Duterte sa impeachment court ng Senado.

Ayon sa Pangulo, mas mabibigyang-linaw ang mga isyung kinakaharap ng Bise Presidente kung siya mismo ang sasagot sa mga alegasyon sa halip na ipaubaya lamang ito sa kanyang mga abogado. Gayunman, nilinaw niyang personal na pananaw lamang ito at hindi isang legal na opinyon.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na kung siya ang nasa parehong sitwasyon, pipiliin niyang personal na humarap sa pagdinig at sagutin ang mga paratang, kahit pa payuhan siya ng kanyang mga abogado na huwag dumalo.

Nakatakdang dumalo si Vice President Duterte sa pagdinig ng impeachment court ngayong Hulyo 6, alinman sa personal na pagharap o sa pamamagitan ng kanyang legal counsel, alinsunod sa direktiba ng Senado.

Samantala, ayon sa kampo ng depensa, handa namang humarap ang Bise Presidente kung ito ang magiging rekomendasyon at kinakailangan batay sa kanilang legal na estratehiya.

Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol, at grave threats. Mariin naman niyang itinanggi ang lahat ng akusasyon at iginiit na isa lamang umanong “fishing expedition” ang isinagawang imbestigasyon ng Kamara.