Arestado ang isang 33-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng mahigit P4.49 milyong halaga ng hinihinalang ipinuslit na mga sigarilyo sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Mampang, Zamboanga City.
Ayon sa ulat, bandang alas-12:20 ng madaling-araw noong Hulyo 5 nang magsagawa ng joint operation ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Bureau of Customs (BOC) Region IX, at Zamboanga City Police Office (ZCPO).
Sa operasyon, pinahinto ng mga operatiba ang isang Toyota Hi-Ace van na minamaneho ng suspek na kinilala lamang sa alyas na “Min.” Nang inspeksyunin ang sasakyan, natuklasan ang malaking bulto ng mga sigarilyong walang kaukulang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps, na indikasyon na iligal ang mga ito.
Hindi rin umano nakapagpakita ang driver ng mga kinakailangang dokumento at permit para sa transportasyon ng naturang mga produkto, dahilan upang siya ay agad na arestuhin.
Nasamsam sa operasyon ang mga kontrabandong sigarilyo at ang ginamit na van, na may kabuuang tinatayang halaga na P4,491,664.80.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang lahat ng nakuhang ebidensya habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act o Republic Act 10863 laban sa suspek.
















