Nasawi ang isang lalaking pinaghihinalaang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga at umano’y nagbibigay ng pinansyal na suporta sa mga natitirang miyembro ng mga armadong teroristang grupo matapos mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Barangay Limpongo, Maguindanao del Sur, kahapon Miyerkules, Hulyo 8.
Kinilala ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang suspek na sa alyas na “Antipolo.”
Batay sa ulat ng pulisya, matagumpay na nakabili ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu ang isang undercover operative mula sa suspek. Gayunman, nang mapansin umano ni Upam na mga pulis ang kanyang katransaksyon, agad umano itong bumunot ng baril at nagpaputok.
Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba upang ipagtanggol ang kanilang sarili. Sugatan pang dinala ang suspek sa Bangsamoro Regional Medical Center ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.
Ayon pa sa pinagsamang intelligence report ng pulisya at militar, bahagi umano ng kinikita ng suspek sa ilegal na droga ang ginagamit sa pagpopondo sa ilang natitirang miyembro ng Dawlah Islamiya (DI) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Sa isinagawang imbestigasyon, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang improvised o homemade shotgun, isang .38-caliber revolver, mga bala, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon. Ang mga ebidensya ay isinailalim na sa forensic examination bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon.
















