Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Cotabato City Police Office (CCPO) kaugnay ng pamamaril na ikinasawi ng dalawang lalaki at ikinasugat ng tatlong babae sa San Pablo, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City, bandang alas-3:00 ng madaling-araw nitong Sabado, Hulyo 11.


Kinilala ang mga nasawi na sina Ibrahim, 40-anyos, residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, at Aldren, 40-anyos, residente ng Esteros, Mother Tamontaka, Cotabato City.


Sugatan naman sina alyas Ada, Emma, 25-anyos at residente ng Tamontaka, Cotabato City, at Juanae, 25-anyos at residente ng Barangay Rosary Heights 6, Cotabato City.


Batay sa paunang imbestigasyon, magkaangkas ang dalawang lalaking biktima sakay ng isang itim na Yamaha NMAX, habang magkasabay namang bumiyahe ang tatlong babaeng biktima sakay ng isang Honda Click nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek.


Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo ang dalawang lalaking biktima at idineklarang dead on arrival sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC). Samantala, ang tatlong sugatang babae ay nakarating sa ospital upang magpagamot.


Sa isinagawang pagproseso sa crime scene, nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng 68 basyo ng bala at isang fired bullet na pinaniniwalaang mula sa M16 rifle, gayundin ang walong basyo ng bala at dalawang fired bullets na pinaniniwalaang mula sa 9mm na baril. Isasailalim ang mga ito sa ballistic examination.


Ayon sa pulisya, tatlong persons of interest ang kasalukuyang tinututukan kaugnay ng insidente. Isa sa mga anggulong sinisiyasat ng mga imbestigador ay ang posibleng personal na alitan na may kaugnayan sa love triangle at ilegal na droga.

Gayunman, nilinaw ng pulisya na nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga responsable.


Kaagad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga rumespondeng pulis ngunit hindi pa naaresto ang mga suspek. Patuloy rin ang pangangalap ng mga pahayag ng mga saksi at ang pagkuha ng CCTV footage mula sa mga kalapit na bahay at establisimyento na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso.