Nasa kustodiya na ng pulisya ang pitong indibidwal matapos masamsam ang tinatayang P13.4 milyong halaga ng mga pinaghihinalaang pekeng sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Barangay San Luis, Gingoog City, Misamis Oriental noong Hulyo 12, 2026.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), pinangunahan ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Misamis Oriental/Camiguin Provincial Field Unit, katuwang ang iba pang police units sa lalawigan, ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na lalaki at isang babae, na pawang nasa hustong gulang.
Nasamsam sa operasyon ang 335 master cases ng iba’t ibang uri ng mga pinaghihinalaang counterfeit na sigarilyo na may tinatayang kabuuang halaga na P13,400,000. Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang tatlong sasakyan na umano’y ginamit sa pagbiyahe ng mga naturang produkto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines at Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahalaga ang pagpigil sa ilegal na kalakalan upang maprotektahan ang mga mamimili at mga lehitimong negosyo sa bansa.
Binigyang-diin din ng PNP na bahagi ang naturang operasyon ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na kalakalan sa ilalim ng kanilang Focused Agenda, na naglalayong palakasin ang intelligence-driven operations, pananagutan, at tiwala ng publiko sa kapulisan.

















