Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang 470 ream ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P402,169.60 sa isinagawang intelligence-driven checkpoint operation sa Barangay Ilian, bayan ng Mulondo, Lanao del Sur kahapon Hulyo 17, 2026.
Batay sa ulat ng Mulondo Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng kumpidensyal na impormasyon hinggil sa isang hindi rehistradong kulay itim at kulay abong minivan na umano’y magdadala ng mga kontrabandong sigarilyo sa naturang lugar.
Dahil dito, nagsagawa ng intelligence-based checkpoint ang Mulondo MPS sa pakikipag-ugnayan sa Regional Intelligence Unit 15–Provincial Intelligence at 2nd Platoon ng 1st Provincial Mobile Force Company sa Barangay Ilian.
Habang isinasagawa ang operasyon, pinaghinalaan ng mga pulis ang minivan matapos umano’y umiwas ang drayber sa checkpoint. Agad itong hinabol ng mga operatiba at naabutan may humigit-kumulang 400 metro mula sa checkpoint sa kahabaan ng national highway patungong Maguing.
Pagdating sa sasakyan, natuklasan ng mga pulis na iniwan na ito ng mga sakay na agad tumakas. Sa isinagawang inspeksyon, nakita ang mga karton ng sigarilyo na bahagyang natatakpan ng itim na plastik. Kalaunan ay narekober ang kabuuang 470 ream ng hinihinalang Green Canon Menthol cigarettes.
Agad na minarkahan, kinuhanan ng larawan, idinokumento, at isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang mga nakumpiskang ebidensya.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga hindi pa nakikilalang suspek dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Act at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Patuloy naman ang hot pursuit operation ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga tumakas na suspek, habang inalerto na rin ang mga kalapit na himpilan ng pulisya at iba pang law enforcement units upang tumulong sa operasyon.
Samantala, pinuri ni PRO BAR Regional Director PBGen. Christopher M. Abecia ang mga operatiba sa kanilang mabilis at maayos na koordinasyon na nagresulta sa pagkakasabat ng mga hinihinalang smuggled cigarettes. Ayon sa kanya, magsisilbi itong babala sa mga sangkot sa smuggling na patuloy na paiigtingin ng PRO BAR ang kampanya laban sa mga ilegal na aktibidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Region.

















