Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos makuhanan ng isang improvised o home-made 12-gauge shotgun at limang bala sa ikinasang search warrant operation sa Barangay New Pangasinan, Koronadal City, South Cotabato noong Hulyo 23.

Kinilala lamang ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Allen” na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Koronadal City Police Station katuwang ang 1st South Cotabato Provincial Mobile Force Company.

Sa pagsisilbi ng search warrant, narekober sa loob ng silid ng suspek ang isang home-made bolt-action 12-gauge shotgun at limang piraso ng 12-gauge ammunition.

Nabigo umanong magpakita ang suspek ng anumang lisensya o legal na dokumento para sa pagmamay-ari ng naturang baril at mga bala kaya agad itong inaresto dahil sa ilegal na pag-iingat ng baril at mga bala.

Isasailalim sa ballistic examination ang mga nakumpiskang ebidensya sa South Cotabato Provincial Forensic Unit habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings.

Ayon kay PRO-12 Acting Regional Director PBGen. Alan B. Manibog, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na pag-iingat ng mga baril upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa mga komunidad, kasabay ng panawagan sa publiko na makipagtulungan sa pulisya sa pagbibigay ng impormasyon laban sa mga lumalabag sa batas.