Mahigit 4,700 pamilya ang natulungan ng mga sundalo ng 2nd Mechanized Infantry (MAKASAG) Battalion sa isinagawang rescue at evacuation operations sa mga bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat at Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur matapos ang matinding pagbaha noong July 24.

Sa ilalim ng pamumuno ni Lieutenant Colonel Raul P. Escat, Commander ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, agad na rumesponde ang mga sundalo upang ilikas ang mga residenteng naapektuhan ng pagtaas ng tubig-baha. Pinangunahan naman ni First Lieutenant Roy Manuel Pelijo, Commanding Officer ng 23rd Mechanized Company, ang rescue operations sa mga apektadong lugar.

Nakipag-ugnayan ang mga sundalo sa mga lokal na pamahalaan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs), Philippine National Police (PNP), at mga boluntaryo upang mapabilis ang paglilikas at pagtulong sa mga residente.

Batay sa ulat, umabot sa 1,926 pamilya sa Lambayong at 2,821 pamilya sa Sultan sa Barongis ang nabigyan ng tulong sa kabila ng masamang panahon, mga binahang kalsada, at mahirap na kondisyon ng mga lugar na kanilang pinuntahan.