Pormal nang nagsagawa ng imbestigasyon ang Philippine Navy kaugnay ng pagkamatay ng officer candidate na si Aldwayne Agnaonao Bunoan Dulnuan habang sumasailalim sa naval training sa San Antonio, Zambales noong Hulyo 22.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Capt. Marissa Martinez, layunin ng imbestigasyon na matukoy ang buong katotohanan sa nangyaring insidente. Aniya, patuloy na kinokolekta at sinusuri ang lahat ng ebidensya upang matiyak na magiging masusi, patas, at transparent ang isinasagawang imbestigasyon.
Batay sa paunang ulat ng Philippine Navy, nakaranas umano si Dulnuan ng matinding panginginig at pagkahilo bago mawalan ng malay habang nasa pagsasanay. Agad siyang nilapatan ng paunang lunas ng mga medical personnel ng Navy bago inilipat sa San Marcelino District Hospital para sa karagdagang pagsusuri.
Sa ospital, inirekomenda ng attending physician na mailagay siya sa intensive care unit dahil sa paunang working diagnosis na heat stroke. Kalaunan ay inilipat siya sa Ulticare Medical Center Inc. upang maipagpatuloy ang mas masusing gamutan.
Sa kabila ng patuloy na medical intervention, idineklara siyang nasawi bandang alas-12:53 ng tanghali noong Hulyo 22. Ayon sa Philippine Navy, nakasaad sa medical findings na ang sanhi ng kanyang pagkamatay ay isang malubhang impeksiyon na nakaapekto sa central nervous system at sinabayan ng komplikasyon sa respiratory system.
Samantala, patuloy namang nananawagan ang pamilya ni Dulnuan ng isang ganap, independiyente, at walang kinikilingang imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang lahat ng pangyayari na humantong sa kanyang pagkamatay at upang matiyak na mananaig ang hustisya.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang Naval Education and Training Command sa pamilya ng nasawing trainee at tiniyak na patuloy itong magbibigay ng kinakailangang suporta at tulong sa kanyang mga naulila habang isinasagawa ang imbestigasyon.

















