Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P80,000 na halaga ng mga pinaghihinalaang smuggled cigarettes sa isinagawang joint checkpoint operation sa Barangay Rebucon, bayan ng Nunungan, Lanao del Norte, kahapon Agosto 2.
Ayon sa Police Regional Office 10, naaresto sa operasyon ang driver ng isang Nissan Terra SUV na nakilala lamang sa alyas na “Adam,” 35-anyos, may asawa, at residente ng Kapatagan, Lanao del Norte.
Isinagawa ang operasyon ng Nunungan Municipal Police Station sa pakikipagtulungan ng 51st Mechanized Company ng Philippine Army at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte Police Provincial Office.
Sa regular na inspeksyon sa sasakyan, natuklasan ng mga awtoridad ang 100 reams ng Cannon Black Menthol cigarettes na nakatago sa likurang bahagi ng sasakyan at may tinatayang halagang P80,000.
Hindi umano nakapagpakita ang suspek ng anumang dokumento na nagpapatunay sa legal na pagmamay-ari at transportasyon ng mga sigarilyo.
Dinala ang suspek sa Nunungan Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon bago i-refer sa Bureau of Customs para sa nararapat na aksyon.
Samantala, pansamantalang nasa kustodiya ng pulisya ang nakumpiskang sasakyan at mga pinaghihinalaang kontrabando habang hinihintay ang pormal na turnover ng mga ito sa Bureau of Customs.

















