Nasawi ang mag-asawang residente ng Mati City, Davao Oriental matapos masangkot sa isang vehicular accident sa National Highway, Barangay Catalunan Pequeño, Davao City, madaling-araw kahapon, Agosto 3. Naiwan naman ang kanilang munting anak na kapwa naulila sa kanyang ina at ama.
Kinilala ang mga biktima na sina Angelou Isidro at ang kanyang partner na si Lovely Kim Cadayona, 27-anyos.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ni Cadayona ang kanilang motorsiklo habang angkas ang kanyang partner nang mabangga umano sila ng isang sasakyang minamaneho ng isang kabataan na pinaniniwalaang sangkot sa iligal na drag race.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan ng mga sangkot.
Samantala, labis ang pagdadalamhati ng pamilya ng mag-asawa sa sinapit ng dalawa. Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng kanilang mga kamag-anak ang kanilang munting anak na naiwang walang kapwa magulang.

















