Nagbigay ng huling pagkilala ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kay Intelligence Officer I Enfernie Jim Dayag, na nasawi habang ginagampanan ang tungkulin sa Tawi-Tawi.
Kasalukuyang nakalagak ang labi ni Dayag sa PDEA Chapel sa National Headquarters sa Quezon City, kung saan dumalo ang kanyang mga kasamahan, kaibigan at mga mahal sa buhay upang magbigay ng huling respeto.
Si Dayag ay kabilang sa Drug Enforcement Officers’ Basic Course 2024-21 Class “SANHIRAYA.”
Nasawi siya matapos makipagpalitan ng putok sa mga armadong suspek kasunod ng isang buy-bust operation sa Barangay Paniongan, Bongao, Tawi-Tawi, madaling araw noong Agosto 9, 2026.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, buong tapang na ginampanan ni Dayag ang kanyang tungkulin hanggang sa huli at itinuring itong halimbawa ng dedikasyon at pagsasakripisyo para sa serbisyo publiko.
Nagpaabot naman ang PDEA ng pakikiramay sa pamilya at mga kaanak ng nasawing ahente, at tiniyak na hindi malilimutan ng ahensya ang kanyang naging serbisyo at sakripisyo.
Binigyang-diin din ni Nerez na kaakibat ng tungkulin ng mga law enforcement officer ang mga panganib na kanilang kinakaharap upang mapanatili ang kaligtasan ng mga komunidad.
Sa pagpanaw ni Dayag, inalala siya ng PDEA bilang isang tauhang naglingkod nang may tapang, dangal at dedikasyon sa tungkulin.
Patuloy namang nagbibigay ng suporta ang ahensya sa pamilya ng nasawing ahente habang inihahatid ito sa huling hantungan.

















