Arestado ang isang 63-anyos na lalaki matapos salakayin ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang lugar sa Barangay Lohong, Ragay, Camarines Sur.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-4:50 ng madaling araw kahapon Agosto 12, 2026 sa bisa ng search warrant kaugnay ng paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nasamsam sa operasyon ang isang caliber 9-millimeter semi-automatic pistol, isang caliber .22 rifle, mga magazine at mga bala.
Ayon sa CIDG, hindi rehistrado sa Firearms and Explosives Office ng Philippine National Police ang dalawang nakumpiskang baril.
Kasama sa operasyon ang CIDG Camarines Sur Provincial Field Unit, PNP Special Action Force, PNP Maritime Group, 1st Provincial Mobile Force Company ng Camarines Sur Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 5 at Ragay Municipal Police Station.
Ayon sa ulat na nakarating kay CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, ang 63-anyos na suspek ang subject ng search warrant at nahuli umano habang nasa kanyang possession at control ang dalawang baril.
Bahagi ang operasyon ng OPLAN Paglalansag Omega ng CIDG na nakatuon sa pagpapatupad ng batas laban sa mga loose firearms.
Patuloy naman ang CIDG sa mga operasyon laban sa mga hindi rehistrado at ilegal na baril bilang bahagi ng kanilang pagpapatupad ng Republic Act 10591.

















