Kinondena ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang pag-ambush sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon, Agosto 15, 2026.

Sa pahayag ng AFP na inilabas ngayong Linggo, Agosto 16, kinumpirma nitong hindi nasaktan si Macacua sa naturang insidente.

Kasunod ng pag-atake, sinabi ng militar na tinutugis na ang mga responsable at nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, Commission on Elections at iba pang concerned agencies para matukoy ang mga sangkot at mapanagot ang mga ito sa ilalim ng batas.

Pinaigting na rin ng mga security forces ang pagbabantay sa mga lugar na itinuturing na vulnerable, gayundin sa mga pangunahing ruta sa rehiyon.

Nanawagan naman ang AFP sa mga lider pulitikal, kandidato at mga komunidad sa Bangsamoro na manatiling kalmado at magpakita ng pagpipigil upang maiwasan ang paglala ng tensyon.

Binigyang-diin ng militar ang commitment nitong panatilihin ang peace and order at tiyaking ligtas ang mga mamamayan habang isinasagawa ang BARMM elections, upang malayang makaboto ang mga Bangsamoro nang walang pangamba.