Apat na hinihinalang sangkot sa operasyon ng ilegal na droga ang naaresto matapos mawasak ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA BARMM ang isang drug den sa Buluan, Maguindanao del Sur.

Isinagawa ang buy-bust operation noong Agosto 18 sa Ebus Residence, Purok 1, Upper Siling, Buluan, sa koordinasyon ng PNP at Philippine Army.

Kabilang sa mga naaresto ang 48-anyos na alyas Jerry, na umano’y tagapamahala ng drug den, kasama sina alyas Ali, 58; alyas Raj, 32; at alyas Teddy, 48.

Nasamsam sa operasyon ang 16 na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang walong gramo at tinatayang nagkakahalaga ng 54,400 pesos.

Narekober din ang buy-bust money, tatlong cellphone, isang PhilHealth identification card at iba’t ibang drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa PDEA BARMM Jail Facility habang hinihintay ang inquest proceedings.

Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.