Nagpakalat ng karagdagang mga sundalo ang 601st Brigade ng Philippine Army bilang paghahanda sa unang BARMM Parliamentary Elections 2026.

Ipinag-utos ni BGen. Gremel B. Brual, Brigade Commander ng 601st Brigade, 6th Infantry “Kampilan” Division, ang deployment ng dagdag na pwersa sa kanilang Area of Responsibility upang palakasin ang seguridad bago at sa mismong araw ng halalan.

Kabilang sa mga ipinakalat ang mga tauhan mula sa 75th Infantry “Marauder” Battalion, kasama ang mga elemento ng 7th Infantry “Tapat” Battalion, 57th Infantry “Masikap” Battalion at 64th Division Reconnaissance Company.

Itinalaga ang mga tropa sa mga lugar sa Datu Odin Sinsuat, Rajah Buayan at Datu Piang sa Maguindanao del Sur.

Ayon sa Philippine Army, layunin ng deployment na mapalakas ang presensya ng security forces, maiwasan ang mga posibleng banta at matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa halalan.

Bahagi rin ito ng security preparations ng Armed Forces of the Philippines para suportahan ang Commission on Elections, Philippine National Police at iba pang ahensyang may tungkulin sa pagsasagawa ng halalan.

Patuloy naman ang koordinasyon ng militar sa PNP at mga election officer upang mapanatili ang kaayusan at seguridad at makatulong sa pagkakaroon ng mapayapa at maayos na unang BARMM Parliamentary Elections.