Mula sa hamon ng pagbaha at epekto ng climate change, isang bagong hakbang ang tinatahak ng Cotabato City matapos itong mapili bilang isa sa anim na lungsod sa bansa na sasailalim sa Green and Resilient Cities (GRC) Project.

Layunin ng anim na taong programa na gawing mas luntian, mas ligtas at mas handa sa climate change ang mga lungsod, kasabay ng pagsusulong ng sustainable urban development.

Kinatawan ni Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao ang lungsod sa Project Launch and Ceremonial Signing ng GRC Project ngayong Martes Agosto 25 sa Quezon City.

Kasama ng Cotabato City sa programa ang Caloocan, Quezon City, Baguio, Cebu at Davao City.

Sa ilalim ng proyekto, nakalaan ang 13.3 million US dollars na pondo mula sa Global Environment Facility o GEF, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources, Biodiversity Management Bureau at United Nations Development Programme Philippines.

Binigyang-diin ni Mayor Bruce na para sa Cotabato City, hindi lamang imprastraktura ang dapat palakasin laban sa climate change—kundi higit sa lahat, ang seguridad at kabuhayan ng mga residente.

Ayon sa alkalde, ang tunay na climate resilience ay makikita sa pamilyang hindi na kailangang mangamba sa bawat malakas na ulan at sa maliliit na negosyong hindi na mawawalan ng kita dahil sa mga kalsadang binabaha.

Kasabay ng patuloy na pag-unlad ng lungsod, pagtutuunan din ng pansin ang mas maayos na pamamahala sa tubig, proteksyon sa biodiversity, pagbawas sa epekto ng pagbaha at paghahanda ng mga komunidad sa climate change.

Sa paglagda sa GRC Project Document, ipinakita ng Cotabato City ang commitment nitong makipagtulungan sa National Government, Bangsamoro Government at development partners upang makamit ang isang mas luntian, mas ligtas at mas matatag na Cotabato City.