Arestado ang isang 49-anyos na mangingisda matapos masangkot sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Milbuk, Palimbang, Sultan Kudarat.

Ayon sa Palimbang Municipal Police Station, isinagawa ang operasyon bandang alas-4:20 ng hapon, kahapon, Agosto 23 sa Purok Lawaan, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 12 o PDEA RO XII.

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu, pati ang marked money na ginamit sa operasyon.

Tinatayang nasa 3.135 gramo ang kabuuang bigat ng nakuhang hinihinalang ilegal na droga, na may tinatayang Standard Drug Price na 21,522 pesos.

Isinagawa ang operasyon sa harap ng isang kinatawan ng media at opisyal ng barangay bilang mga saksi.

Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal bago siya dinala sa Palimbang Municipal Police Station kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon alinsunod sa batas.