Arestado ang siyam na indibidwal matapos masabat ng mga awtoridad ang nasa P3.59 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa isinagawang hot-pursuit operation sa Sultan Kudarat.

Nagsimula ang operasyon nang tumakas umano sa checkpoint sa Barangay Mayo, Columbio ang apat na sasakyan na pinaghihinalaang may kargang kontrabando.

Agad na nagsagawa ng koordinadong pagtugis ang Columbio Municipal Police Station, 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Lutayan MPS, Koronadal City Police Station, at mga tauhan ng Philippine Army.

Nahabol at napigil ang apat na sasakyan, na nagresulta sa pagkakaaresto sa siyam na sakay nito.

Nakumpiska mula sa mga sasakyan ang 4,250 reams ng Cannon Menthol at FORT Menthol 100’s cigarettes na nagkakahalaga ng P3,594,712.

Ayon sa pulisya, hindi umano naipakita ng mga suspek ang kinakailangang dokumento, kabilang ang patunay ng pagbabayad ng buwis at permit para sa pagbiyahe ng mga sigarilyo.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek, mga nakumpiskang sigarilyo at apat na sasakyan habang inihahanda ang kaukulang reklamo para sa inquest proceedings.