Pinagtitibay ng 1st Mechanized Infantry o LAKAN Battalion at mga lider ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang kanilang koordinasyon para matiyak ang seguridad at mapayapang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Nagsagawa ng dayalogo noong Agosto 30 ang mga opisyal ng LAKAN Battalion, sa pangunguna ni Lieutenant Colonel William G. Sabado, kasama ang mga lider at kinatawan ng MILF.
Tinalakay sa pagpupulong ang peace and order situation sa Talitay at ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon upang agad na matugunan ang mga usaping maaaring makaapekto sa seguridad ng mga residente.
Binigyang-diin din ng magkabilang panig ang kahalagahan ng patuloy na koordinasyon bago, habang, at pagkatapos ng halalan upang mapanatili ang katahimikan at maiwasan ang mga insidenteng maaaring makagambala sa proseso ng pagboto.
Ayon sa pamunuan ng LAKAN Battalion, mahalaga ang regular na dayalogo sa mga lider ng MILF upang mapalakas ang tiwala, mapanatili ang maayos na ugnayan, at mabilis na maresolba ang mga usaping pangkapayapaan at seguridad.
Samantala, iginiit ng mga opisyal ng Philippine Army na kailangan ang sama-samang pagkilos ng security forces, MILF, lokal na pamahalaan, at mga mamamayan upang maisulong ang ligtas, maayos, malaya, at mapayapang halalan sa BARMM.
Sa pamamagitan ng patuloy na koordinasyon at dayalogo, layunin ng magkabilang panig na mapanatili ang kapayapaan at katatagan ng mga komunidad habang papalapit ang halalan.

















