Binaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang tatlong negosyante sa inner portion ng Barangay Pembalkan, Mamasapano, Maguindanao del Sur kahapon, Setyembre 24, na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng isa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Fahad Sula at Alparis Dalinding, kapwa residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, na idineklarang dead on arrival sa Bangsamoro Regional and Medical Center.
Sugatan naman si alyas Ash, 22-anyos at residente ng Barangay Kalsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang tatlo ng isang payong-payong nang pagbabarilin sila ng hindi pa nakikilalang suspek na sakay umano ng XRM motorcycle na walang plaka.
Wala umanong malinaw na dahilan ang pamamaril bago agad tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Tatlong basyo ng bala ang narekober sa crime scene at isusumite sa Regional Forensic Unit para sa ballistic examination.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pamamaril.

















