Nagpulong ang Moro National Liberation Front o MNLF at Government of the Philippines o GPH sa Jolo, Sulu upang talakayin ang pagpapatuloy ng mga natitirang commitment sa ilalim ng 1996 Final Peace Agreement o FPA.

Isinagawa ang dialogue noong Setyembre 27 at tinalakay ang peace and security situation sa Sulu at sa mas malawak na Bangsamoro, gayundin ang proposed Township Concept para sa mga komunidad ng MNLF.

Kabilang din sa mga tinalakay ang mga mekanismong maaaring gamitin upang ipagpatuloy ang implementasyon ng mga natitirang commitment sa 1996 FPA.

Partikular na binigyang-diin ng MNLF ang muling pag-activate ng Joint MNLF-GPH Peace Implementing Committee, muling pagpupulong ng Tripartite Implementation and Monitoring Committee o TIMC, at operationalization ng Bangsamoro Development Assistance Fund o BDAF.

Ang TIMC ay binubuo ng MNLF, Organization of Islamic Cooperation o OIC at GPH at nagsisilbing mekanismo para sa pagpapatupad at monitoring ng peace agreement.

Napagkasunduan naman ng magkabilang panig na magsagawa ng follow-up process sa loob ng 30 araw mula sa isinagawang dialogue.

Layunin ng naturang panahon na maisagawa ang kinakailangang konsultasyon, maayos ang kani-kanilang panel at makapaghanda para sa pagpapatuloy ng peace dialogue.

Nilinaw naman na hindi nangangahulugang matatapos sa loob ng 30 araw ang lahat ng natitirang commitment sa ilalim ng 1996 FPA, kundi magsisilbi itong panimulang panahon para sa susunod na yugto ng usapang pangkapayapaan.

Samantala, sinabi ng MNLF na nananatili ang kanilang commitment sa mapayapa at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng 1996 Final Peace Agreement.