Mananatili muna sa Cotabato City ang 72nd Infantry Battalion ng 10th Infantry Division bilang reserve force kasunod ng isinagawang assessment matapos ang halalan.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, spokesperson ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, ipinatupad ang Red Alert status ng AFP mula Agosto 15 hanggang Setyembre 29.
Sinabi ni Suscano na may mga lugar nang idineklarang mapayapa matapos ang halalan kaya maaari nang maibalik ang ilang batalyon na inaugment mula sa 10th Infantry Division sa Davao.
Gayunman, may ilang tropa na mananatili sa mga lugar na kailangan pa ring obserbahan ang sitwasyon, kabilang ang Cotabato City.
Kabilang dito ang 72nd Infantry Battalion na mananatili muna sa lungsod upang magsilbing reserve force hanggang sa makaupo ang mga bagong halal na opisyal ng Bangsamoro Parliament.
Layunin nito na magkaroon ng karagdagang puwersang maaaring umalalay sa Philippine National Police at Philippine Marines sakaling magkaroon ng tensyon sa araw ng kanilang panunungkulan.
Ayon kay Suscano, nananatiling handa ang militar na umalalay upang maiwasang lumala ang anumang tensyon at matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan.

















