Binaril-patay ang isang 45-anyos na lalaki ng mga hindi pa nakikilalang suspek habang sakay ng motorsiklo sa MSU Campus sa Barangay Dimalna, Marawi City, ngayong Huwebes, Oktubre 8, 2026.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas Ameril, 45, may asawa, walang trabaho at residente ng MSU Campus, Barangay Dimalna.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagmamaneho si Ameril ng isang Honda motorcycle na walang plaka nang umano’y sundan siya ng apat na lalaking suspek na sakay ng dalawang Yamaha NMAX V2 na parehong may hindi pa matukoy na plaka.

Pagsapit sa lugar ng insidente, ilang beses umanong pinaputukan ng mga suspek ang biktima gamit ang pinaniniwalaang .45 kalibreng baril.

Nagtamo si alyas Ameril ng maraming tama ng bala sa bahagi ng pisngi at leeg na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala at isang slug na pinaniniwalaang nagmula sa .45 kalibreng baril.

Agad na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang mga motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Bandang 4:00 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang Marawi City Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa pamamaril.

Samantala, nagsagawa ang Marawi City Police Station, katuwang ang Task Force Marawi, ng hot pursuit operation at naglatag ng mga checkpoint para sa posibleng pagkakadakip sa mga suspek.

Hiniling din ng pulisya ang pagsasagawa ng dragnet operation sa mga kalapit na himpilan ng pulisya sa Marantao, Ditsaan-Ramain at Saguiaran.

Patuloy ang paghahanap at manhunt operation laban sa mga suspek, habang hindi pa natutukoy ang motibo sa pamamaril.