Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P408,000 sa isang buy-bust operation sa Rotonda, Barangay Nazareth, Cagayan de Oro City, dakong ala-1:26 ng madaling-araw ngayong araw, Oktubre 13, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mego,” na residente ng Barangay Camaman-an sa nasabing lungsod at itinuturing na high-value individual o HVI ng mga awtoridad.
Pinangunahan ng RPDEU Team 2 ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa Cagayan de Oro City at Northern Mindanao, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Maharlika Custodial Facility ang suspek, habang isusumite sa Regional Forensic Unit 10 ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga para sa pagsusuri.
Ayon kay Police Brigadier General Nestor C. Babagay Jr., Regional Director ng Police Regional Office 10, magpapatuloy ang mga operasyong nakabatay sa intelligence laban sa ilegal na droga.

















