Hinikayat ni Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin ang mga konsyumer na gumamit ng solar energy upang makatulong sa pagpabababa ng gastusin sa kuryente.
Ayon kay Garin, pinadali na ng kagawaran ang proseso para sa net metering sa pamamagitan ng isang bagong circular.
Mas pinabilis na ang mga aplikasyon at permitting process para sa mga magpapakabit ng solar panel na gagamitin lamang sa sariling tahanan o negosyo.
Kasalukuyan, ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming nabibili at nao-order na solar equipment. Bagama’t mataas ang mga talaang ito, binigyang-diin ng kalihim na marami pa ring bahay at negosyo ang maaari pang makinabang dito.
Inihayag din niya na bukod sa pagtitipid sa buwanang bill, malaking tulong din ang paggamit ng solar energy sa gitna ng epekto ng El Niño sa supply ng kuryente.
Gayunman, ipinaalala ng DOE na tiyaking maayos ang pagkakabit ng mga kagamitan. Payo ni Garin, bumili lamang sa mga akreditadong supplier at iwasan ang pagbili sa mga hindi beripikadong seller sa social media upang makaiwas sa aksidente o sunog.

















