Patay ang apat na hindi pa nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin ang sinasakyan nilang sasakyan sa Barangay Tulunan, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, nitong Lunes ng hapon, Oktubre 26.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng isang kulay silver na Toyota Vios na may plakang XST 6 nang mangyari ang pamamaril dakong alas-1:12 ng hapon.

Inilarawan ang mga biktima na pawang nasa hustong gulang. Kabilang sa mga ito ang hinihinalang driver ng sasakyan na nakasuot ng puting T-shirt at itim na pantalon.

Narekober sa pinangyarihan ang mga basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa mga baril na gumagamit ng 5.56mm at 9mm na bala. Kailangan pa itong sumailalim sa pagsusuri upang makumpirma ang kalibre ng mga narekober na basyo.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima at suspek, gayundin ang motibo sa krimen.

Nagsagawa na ng paunang imbestigasyon ang Datu Abdullah Sangki Municipal Police Station at inilunsad ang dragnet operations upang matukoy at maaresto ang mga suspek na tumakas matapos ang pamamaril.